ABOT kamay na ng Philippine National Police (PNP) ang target na mabakunahan ang kanilang buong puwersa na may bilang na 222,000.
Sa pinakahuling datos ng PNP-Health Service, hanggang kahapon, tanging 965 o 0.43% ng PNP population ang nananatiling unvaccinated na wala naman sapat na dahilan.
Habang ang 865 PNP personnel na hindi pa nababakunahan ay may balidong dahilan gaya ng kanilang medical condition o karamihan sa kanila ay may allergy sa anumang gamot.
Tiniyak naman ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos na hindi sila tumitigil para mahikayat ang mga pulis na may pag-aalinlangan sa bakuna.
Aniya, daraanin nila sa mahusay na pakikipag-usap at paliwanag ang mga hesitant cop upang mapasang-ayon na magpabakuna.
“Slowly, we are seeing that there is a narrowing of the gap between those vaccinated and unvaccinated personnel. We hope to convince every member of the more than 222,000 PNP force to be vaccinated to protect themselves and their family from the virus threat,”pahayag ni Carlos.
Bukod sa benepisyo ng bakuna, nais din ng PNP na maiwasan ang senaryo na dumating sila sa puntong hindi na papasukin ang mga unvaccinated personnel sakaling magmatigas ang mga ito sa itinakda ng IATF resolution na “no vax, no work rule”.
Magunitang noong isang linggo ay nag-administer na rin ng booster shots para sa PNP personnel partikular ang mga medical frontliner. EUNICE CELARIO