PNP-ACG KAKALAMPAGIN VS DIY BOGA TUTORIAL

KAKALAMPAGIN ng liderato ng Phi­lippine National Police (PNP) ang Anti-Cybercrime Group (ACG) upang pigilan ang mga Do It Yourself Tutorial na paggawa ng boga gamit ang social media at karaniwan ay nasa You Tube.

Sa press confe­rence kahapon sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief BGen. Jean Fajardo na kanilang pakikilusin ang PNP-ACG para pigilan ang netizen na nagtuturo sa paggawa ng boga gamit ang social media.

Ginawa ni Fajardo ang pahayag kasunod ng mga ulat na mayroong nagtuturo ng paggawa ng nasabing uri ng paputok na kabilang sa ipinagbabawal

“Ipapaalam natin iyan sa PNP-ACG para pigilan ang propagation ng paggawa ng boga,” bahagi ng pahayag ni Fajardo.

Diin ng PNP spokesperson, dapat mahinto ang pagtuturo ng boga at iba pang uri ng paputok sa hindi naman eksperto dahil magdudulot ito ng panganib.

Magugunitang no­ong isang Linggo ay inilabas na ng Police Regional Office 3, ang nakakasakop sa Bulacan kung saan marami ang firecracker factory, ang  listahan ng mga illegal firecrackers na nasa 28.

Kasama sa listahan ang boga habang ang pinakabagong bawal na paputok ay Goodbye Tsismosa.

EUNICE CELARIO