PNP, AFP AAYUDA SA PISTA NG ITIM NA NAZARENO

IT’S all system go sa Lungsod ng Maynila kaugnay sa gaganaping pagdiriwang ng Feast of the Black Nazarene.

Naglaan na rin ng sapat na puwersa ang Philippine National Police-National Capital Region Office (PNP-NCRPO) at maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagtalaga ng standby force para pangangalagaan ang seguridad at kaayusan sa selebrasyon ng Pista ng Quiapo o feast of the Black Nazarene ngayong araw, Enero 9.

Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na personal na tinignan ang inaasahang daloy ng mga deboto sa itinakdang misa at sa ‘Pagpupugay’ sa replica ng Itim na Nazareno na dadalhin sa Quirino Grandstand.

Ang ‘Pagpupugay’ ay ang pagpahid at pagpunas sa paa ng imahe at ito ang siyang pumalit sa tradisyunal na ‘Pahalik’ kung saan ang mga deboto ay pumipila para halikan ang Itim na Nazareno.

Sa kanyang ocular inspection sa grandstand, si Lacuna ay sinamahan nina Manila Police District (MPD) Director BGen. Andre Dizon at City Engineer Armand Andres na inatasan niyang linisin ang lugar kung saan dating nakatayo ang COVID Field Hospital dahil puno ito ng kalat.

Nagbigay din ang alkalde ng espesipikong direksyon sa requirements sa kailangang barikada, portalets, sound system, at iba pang physical arrangements na ginawa sa nasabing lugar.

Ang puwersang idedeploy ng PNP-NCRPO para sa seguridad ay magmumula sa Northern Police District, Southern Police District, Eastern Police District, Quezon City Police District, Bureau of Fire Protection, Metro Manila Development Authority at AFP kung saan ang MPD na magiging lead agency para sa gaganapin Nazareno 2023.

Nagpahayag naman ng pagtitiwala si Lacuna kay Dizon at sa team nito na episyenteng mapapangalagaan ang mga gawain sa nakatakdang selebrasyon, na kauna-unahan simula pa ng pandemya.

Inaasahan na magdiriwang ng banal na misa sa nabanggit na lugar habang ang mga deboto ay magsisimulang pumila para sa “Pagpupugay’ at mayroong hiwalay na pila para sa mga senior citizens, pregnant women at persons with disability. VERLIN RUIZ