ALL systems go na Philippine National Police(PNP) at Armed Forces of the Philippine (AFP) maging ang iba pang security forces ng gobyerno para sa makasaysayang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa darating na Huwebes.
Dalawang araw bago ang pormal na panunumpa sa tungkulin ni PBBM, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, halos 100 percent nang handa ang PNP sa kanilang inilatag na seguridad sa National Museum.
Kaugnay din sa Hunyo 30 inauguration, nagsagawa ng rehearsal para sa civic and military parade ang iba’t ibang puwersa ng AFP at PNP.
Nabatid na ang nasabing puwersa ay magsisilbing augmentation force kung kakailanganin ng tulong ng mga pulis at sundalong itinalaga para sa pangangalaga ng kaayusan at seguridad sa loob at labas ng National Museum.
Sa bahagi ng Maria Orosa, nagsimula ang martsa ng mga kasama sa “parading units” na kinabibilangan ng mga personnel mula Philippine Coast Guard (PCG), PNP, Philippine Navy, Philippine Air Force (PAF) at iba pang mula sa PNP Academy at Philippine Military Academy (PMA).
Ipinakita rin ang mga sasakyan at assets mula sa mga mobile, trucks, tangke, iba’t ibang gamit ng AFP, PNP at PCG na ide-deploy sa araw ng oath taking ni President-elect Bongbong Marcos.
Layon ng rehearsal na matiyak na handang-handa na ang security forces para sa inagurasyon.
Siniguro rin na batid ng mga tropa ang kanilang gagawin sa araw ng oath taking ni BBM.
Habang sa Miyerkules naman o bisperas ng inagurasyon ay magdaraos muli sila ng huling rehearsal.
“With only days before the inauguration of President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., the Philippine National Police (PNP) had not monitored any security threats to the ceremony,” ayon sa tagapagsalita.
Sa kasalukuyan, wala pa umanong natatanggp ang PNP at AFP na anumang credible threat na pipigil sa naturang event.
Subalit, tuloy-tuloy naman daw ang pakikipag-ugnayan ng PNP at maging ng AFP sa iba pa nilang sangay sa regional offices para i-validate ang mga natatanggap nilang impormasyon.
Una nang inihayag na nasa halos 15,000 na security personnel ang ide-deploy sa Huwebes para sa oath taking ng ika-17 president ng bansa sa National Museum of the Philippines sa Ermita, Manila. VERLIN RUIZ