(PNP, AFP nakatutok sa cybercrimes) TEXT SCAMMERS NAMEMELIGRO NA

MASAWATA na at mapanagot pa sa batas ang mga responsable sa cybercrimes at mga naglipanang text scam.

Ito ang inihayag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) matapos na makapag-apply ang PNP ng cyber warrant.

Hinihinalang organized group ang nasa likod ng pagpapakalat ng text scam dahil text blast umano ang ginagawa ng mga ito kaya mabilis ang pagpapakalat ng mga kuwestyunableng text messages na may mga kaduda-dudang internet or website links.

Sinasabing naghihintay na lamang ang PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ng tugon mula sa judicial authorities para tuluyang malaman at mabuksan ang mga numero na responsible sa pagpapakalat ng text scam.

Sinasabing doble-kayod ang PNP-ACG para tuntunin at labanan ang grupo o individual na nasa likod ng mga naglipanang text scam.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, inihayag na ni PNP-ACG Director Brig. Gen. Joel Doria na higit pa nila ngayong palalakasin ang isinasagawang cyber patrolling.

Ani Fajardo, batid ng PNP ang pangamba ng publiko sa text scam na ngayon ay personalized pa kaya naman iniimbestigahan na nila ito.

Sa hanay ng Armed Forces of the Philippines , inihayag ni Col Medel Aguilar pinuno ng AFP Civil Relation Service at tumatayong AFP spokesperson na pinag-aaralan din nila ang suliranin hinggil sa cyber crimes.

Ayon kay Aguilar, inaalam na nila kung paano makakatulong ang kanilang cyber forensic experts at mga information technology personnel sa pagtunton at pagsugpo suliranin ng bansa sa cybercrimes, text scams at maging sa may kaugnayan sa cyber terrorism.

Napag-alaman na kabilang ang Pilipinas sa mga nangungunang internet users sa Asya at karamihan ay may facebook, active Youtube profiles at Instagram account.

At pangatlo rin ang Pilipinas sa buong mundo sa dami ng Facebook users kung saan halos pantay ang bilang mga mga babae at lalaking may FB account. VERLIN RUIZ