PNP, AFP SANIB-PUWERSA SA PAGDAGSA NG CHINESE STUDES

CAGAYAN- BEBERIPIKAHIN ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kung bakit patuloy ang pagdagsa ng Chinese enrollees sa lalawigan.

Iimbestigahan na rin ang abnormal na presensya ng mga Chinese student sa nasabing lalawigan.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, magsasagawa sila ng assesment sa presensiya ng pagdagsa ng Chinese students sa Cagayan at kung may kahina-hinala bang aktibidad na ginagawa ang mga ito.

Inilarawan ng isang mambabatas na “alarming” ang sitwasyon kung saan nasa sa isang paaralan pa lang ay nasa 4,600 estudyanteng Chinese ang nag-enrol.

Gayunpaman, sinabi ng AFP na masyado pang maaga para ituring itong nakakabahala at kailangang beripikahin din.

Para sa PNP, wala namang nakikitang problema hinggil sa presensya ng mga Chinese sa lalawigan.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, batay sa impormasyon mula sa mga opisyal ng Cagayan Police, ang pagdami ng mga Chinese sa lalawigan ay alinsunod na rin sa imbitasyon ng Commission on Higher Education (CHED).

Paliwanag pa ni Fajardo, mayroon naman hawak na mga dokumento ang naturang mga Chinese at tiniyak din ng Cagayan Provincial Government na walang dapat ikabahala rito.

Base sa record ng PNP, wala pa naman naitatalang mga iligal na aktibidad ng mga Tsino sa nasabing lugar. EUNICE CELARIO