MAGTUTULUNGAN ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapatupad ng pinaigting na police visibility ngayong BER months.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na kinausap nito si AFP Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro para magbigay ng augmentation ang AFP sa PNP sa pagpapatupad ng seguridad.
Partikular na tinukoy nito ang mga “show window areas” na inaasahang may malalaking pagtitipon ng mga tao tulad ng NCR, Region 3, Region 4A, Cebu, Davao, at Baguio City.
Paliwanag ni Azurin, gagawin nilang “buddy system” ang kanilang deployment kung saan isang pulis at isang sundalo ang magpapatrolya, upang mas maikalat ang pwersa ng PNP.
Nabatid na nagawa na rin ito noong panahon ni dating PNP Chief at dating Senador Panfilo Lacson.
Ani Azurin, posibleng bago mag-undas sisimulan ang deployment. EUNICE CELARIO