TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Rhodel Sermonia na nananatili pa ring aktibo ang Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) na isang programa na naglalayong proteksyonan ang mga pulis laban sa nasabing virus.
Ayon kay Sermonia, pinulong niya ang mga miyembro ng ASCOTF upang pigilan ang banta ng muling pagdami ng kaso sa organisasyon lalo na’t mayroong bagong Omicron Subvariant na BA. 4.
“Halos wala nang kaso pero meron na namang subvariant ng COVID-19 kaya pupulungin ko sila upang pigilan ang surge ng kaso,” ayon kay Sermonia.
Dagdag pa ni Sermonia na muli nilang paiigtingin ang pag-abiso ng pag-iingat upang maiwasan ang pagtaas ng kaso sa kanilang hanay.
Ang tungkulin ng ASCOTF ay proteksyonan ang mahigit 230,000 tauhan ng police force laban sa COVID-19.
Kasama rin sa trabaho nito ang COVID-19 response ng organisasyn na itinatag noong Marso 2020 nang isailalim sa pandemya at buong bansa.
Unang komander nito ay si dating PNP Chief, General Camilo Pancratius Cascolan noong siya ay PNP Deputy Chief for Administration.
Counterpart ng ASCOTF ang Joint Task Force COVID-19 Shield na una namang pinamunuan ng dati ring Pnp Chief , General Guillermo Elezar na ang tungkulin ay sa publiko o sa labas ng PNP.
Sa ngayon ibayong pag-iingat ang utos ni Sermonia, batay na rin sa gabay ni PNP OIC, Lt. Gen. Vicente Danao, jr. upang hindi na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa organisasyon. EUNICE CELARIO