KASUNOD ng naging pahayag ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine, tiniyak din ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., ang 100 porsyentong suporta ng buong puwersa ng Pambansang Pulisya sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ginawa ni General Acorda ang pahayag kasunod ng ulat na may namumuo umanong destabilisasyon laban kay Pangulong Marcos na una nang itinanggi ng AFP.
Magugunitang mariing inihayag ng pamunuan ng AFP at maging ng tanggapan ng National Security Adviser na misquoted lamang at taken out of context lamang ng media ang naging pahayag ni AFP chief Romeo Brawner hinggil sa ilang retiradong sundalo na kumikilos salungat sa administrasyon.
Isiniwalat ito n Brawner sa pakikipag-usap sa mga sundalo matapos ang isang kaganapan sa AFP-Western Mindanao Command subalit ilang oras ang nakalipas ay binawi rin ng heneral ang umano’y destabilization plot laban sa gobyerno.
Nilinaw ni Acorda na wala silang nakikitang dahilan para magkaroon ng destabilisasyon dahil very stable naman ang kasalukuyang gobyerno.
Una ng nagpaliwanag si Gen. Brawner na misquoted lang umano siya o namali ang pagkakaintindi sa kanyang mga tinuran sa isinagawang change of command ceremony sa AFP Western Mindanao Command.
Muli rin nilinaw ng pamunuan ng AFP na walang nakalatag na plano para i-destabilized ang gobyerno at kasalukuyan na nila ring bina-validate ang report hinggil sa umano’y pagtatangkang ma “upset” ang Marcos Jr. administration.
Maging si Col. Medel Aguilar, AFP spokesperson, ay nagsabing ang pahayag ni AFP chief Romeo Brawner, Jr kaugnay sa umanoy destabilization efforts laban sa pamahalaan na agad na binawi ay dahil “misquoted” lamang umano ang heneral. VERLIN RUIZ