PNP AT AFP DAPAT NA HUMAWAK NG SECURITY FORCE SA MINDANAO

IGINIGIIT ng Philippine National Police (PNP) at maging ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kung maaari ay manatili silang in-charge sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Bangsamoro region kapag tuluyang nang naisabatas ang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Ito ay sa halip na ang magiging pinuno ng Bangsamoro government ang siya ring mamamahala sa hanay ng mga pulis.

Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, kung siya ang masusunod nais nila na manggagaling pa rin ang mga kautusan para sa mga pulis sa National Headquarters sa Camp Crame.

Plano umano ng opisyal na magkaroon ng kahit isang regional office sa Bangsamoro region na nasa ilalim pa rin ng PNP.

Nabatid na sa ilalim ng panukalang BBL, ang chief minister ng Bangsamoro government ang siyang may hawak sa local police na tatawaging Bangsamoro Police.

Pangamba ni Albayalde, baka ma-politika ang local police kung ang gobyerno mismo ang hahawak dito.

Dagdag pa ng PNP chief, hindi niya gustong magkaroon ng scenario kung saan wala nang kontrol ang PNP sa kanilang sariling mga pulis at maging isang malaking private armed group ang mga ito. VERLIN RUIZ

 

Comments are closed.