CAGAYAN – BUNSOD ng bagyong Rosita sa malaking bahagi ng Luzon ay agad na nagtaas ng kanilang alerto ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at maging ang Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde, inatasan na niya ang mga regional directors na i-activate ang kanilang disaster response measures upang matiyak na maliit lamang ang magiging damages sakaling manalasa ang bagyo at maiwasan na magkaroon ng casualties.
Partikular na inalerto ang PNP ang kanilang puwersa sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region na inaasahang direktang tatamaan ng bagyo base sa pagtataya ng Pagasa.
Bukod sa iba pang puwersa ng PNP ay inalerto na rin ang specialized search and rescue units ng PNP.
May naka-standby ring augmentation force sa mga kalapit na rehiyon kung sakaling kakailanganin silang ipadala sa mga maaapektuhang lugar.
Una rito, inilagay na rin ng NDRRMC sa red alert status ang lahat ng sangay ng pamahaaan na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa sa panahon ng kalamidad.
Ito ay kahit bahagyang humina ang bantang pananalasa ni Rosita sa Hilagang Luzon subalit kasalukuyang tatlong lugar ang nasa ilalim ng public storm warning signal number 3.
Ayon kay Usec. Ricardo Jalad, executive director ng NDRRMC, nangangahulugan ito na 24/7 dapat naka-duty ang mga tauhan ng DRMMOs sa buong bansa para rumesponde sa emergency at kalamidad partikular ang tanggapan sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon at Cordillera Regions maging ang Isabela at Aurora area na dadaanan ng bagyo.
Ayon sa huling monitoring ng Pagasa, bahagyang napahina ng hanging amihan ang paparating na typhoon Rosita (Yutu), subalit nanatiling malakas pa rin ito para lumikha ng landslides, floods at storm surges. VERLIN RUIZ
Comments are closed.