CAMP CRAME – UPANG tuluyan nang malinis ang hanay ng pulisya, binago ng Philippine National Police (PNP) ang konsepto ng kanilang cleansing program.
Anunsiyo ito kahapon ni PNP Chief, Gen. Oscar Albayalde at sinabing ibabatay ito sa kanilang pagdidisiplina sa paraan ng Philippine Military Academy (PMA).
Ayon sa heneral, sa bagong konsepto ng internal cleansing program sasailalim sa squad process ang mga pulis na nasasangkot sa katiwalian.
Sinabi ni Albayalde na katuwang nila sa bagong konsepto ang mga non-governmental organization (NGO) lalo na sa religious sector upang mas maging personal at intimate ang bagong internal cleansing program para sa didisiplinahing pulis.
Gagayahin aniya nila ang paraan sa PMA kung saan ang squad leader ang humihikayat sa kanyang mga miyembro lalo kung bumababa ang morale ng kanyang kasamahan.
Sa bagong konsepto, bawat squad ay mayroong anim hanggang walong miyembro.
Dagdag pa ni Albayalde na hindi naman kailangang opisyal ang magiging squad leader.
Batay sa datos ng PNP mula taong 2016 aabot na sa nasa 27,000 mga pulis na may mga paglabag ang prayoridad na isalang sa bagong konsepto. REA SARMIENTO
Comments are closed.