CAVITE – BIGLANG naglaho ang pangarap na makapagtapos sa PNP Academy ang isang graduating cadet makaraang gulpihin nito ang kapwa senior cadet sa loob ng Camp Castaneda sa bayan ng Silang, Cavite noong Huwebes ng gabi na isang oras bago sumapit ang Bagong Taon.
Ipinag-utos na ni PNP Chief Police General Debold M Sinas sa Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) na isailalim sa restriction ang lahat ng kadete na sangkot sa nasabing insidente.
Kasabay nito ay inatasan din ang pamunuan ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na isulong ang termination at dismissal proceedings laban sa suspect na si Cadet 1st Class Denvert Dulansi.
Nag-ugat ang direktiba ni Chief PNP nang makatanggap ng ulat mula kay PNPA acting Director, Police Brigadier General Rhoderick Armamento kaugnay sa mauling incident noong gabi bago sumapit ang Bagong Taon.
Sa inisyal na ulat ng tactical officer na si Police Captain Manzano, lumilitaw na nag- iinuman ng alak ang tatlong kadete na sina Cadet 1st Class Dulansi, Cadet 1st Class Guminigin at Cadet 1st Class Tudlong sa roofdeck ng school building nang sitahin ni Cadet 1st Class Joab Mar P Nacnas.
Dito na sumiklab ang mainitang pagtatalo hanggang sa humantong na gulpihin ni Dulansi ang kapwa nito kadete na si Nacnas.
Mabilis na naisugod ng PNPA ambulance sa kalapit na Qualimed Hospital ang biktimang si Nacnas kung saan ilang oras ang nakalipas ay idineklarang nasa maayos naman itong kalagayan.
Binitbit naman sa Silang Municipal Police Stations si Cadet Dulansi para imbestigahan kung saan nalalagay sa balag ng alanganing makapatapos ito sa nasabing akademya. MHAR BASCO
Comments are closed.