ASAHAN ang pagluwag at malaking pagbabago sa mga istruktura sa loob ng Camp Crame sa Quezon City.
Ito ay kasunod ng atas ni PNP Deputy Chief for Administration, PLt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan sa PNP-Engineering Services (ES) na bumalangkas ng master development plan para sa kampo at itatayong tanggapan ng iba’t ibang National Operational Support Units (NOSUs).
Noong Miyerkoles ay iniharap ng PNP-ES kay Cascolan ang walkthrough video presentation ng master development plan sa Camp Crame gayundin sa magiging bagong gusali ng mga tanggapan ng NOSUs na ilalabas sa Camp Crame.
Sa ilalim ng PNP Development Plan, itatayo ang high rise building na may 18 palapag habang babaguhin din ang 53-anyos na national headquarters building.
Sinabi ni Cascolan na upang lumuwag ang kampo, ililipat ang ilang NOSUs gaya ng Maritime Group na ire-relocate sa Calatagan, Batangas habang ang Police Security and Protection Group ay sa New Clark City sa Banban, Tarlac.
Ilalabas din sa Camp Crame ang Highway Patrol Group na itatayo sa Global City Angeles City, Pampanga, ang Logistic Support Service at Criminal Investigation and Detection Group-NCR ay ire-relocate sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Habang ang Explosive Ordnance Division, K9 units at maging ang Special Action Force ay ililipat sa Baras, Rizal.
Maging ang mga Directorate for Integrated Police Operations (DIPOs) ay ililipat din at ibabase ang tanggapan ng mga ito sa probinsiya o rehiyon.
Bukod sa decongestion, sinabi ni Cascolan na kabilang sa main objective ng pagbalangkas PNP Camp Development Plan ay resolbahin ang problema sa Camp Crame gaya ng mga sira at lumang gusali, lumang kawad, pagkakaroon ng water leaks at masikip na parking area.
Panahon na rin aniya na i-modernize ang mga ang pasilidad, (facility development); maging mabilis ang promosyon at palawakin ang organisasyon, (placement, promotion and expanding PNP), matukoy ang responsibilidad ng isang opisyal (delination of responsibilities), maramdaman ng publiko ang pulisya (police visibility) at maiangat ang professionalism sa work ethics at performance.
Tinaya naman sa mahigit na P12 bilyon ang magagastos sa nasabing proyekto na inaasahang makokompleto sa loob ng limang taon.
“The proposed PNP Camp Development Plan is targeted to be completed within five calendar years and the estimated budgetary is P12,239,846,060,” ayon pa kay Cascolan.
Paglilinaw naman ni Cascolan na ang nasabing plano ay ihaharap at ipapa-approve pa kay PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa. EC
Comments are closed.