PNP CHIEF BACK TO WORK NGAYON

Archie Gamboa

CAMP CRAME-MAKARAANG masugatan noong Marso 5 nang bumagsak ang sinasakyang 8-seater Bell 429 chopper, inaasahang balik-trabaho ngayong araw si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa.

Batay ito sa kanyang video message noong Marso 6 habang naka-confine sa St. Luke’s Medical Center-BGC, Taguig City.

Sa nasabing video, sinabi ni Gamboa na okay na siya at ngayong araw, Marso 9, Lunes, ay magre-report na siya sa trabaho.

Noong Biyernes ng hapon, Marso 6, ay nakita rin ang video ng paglabas ni Gamboa sa kanyang kuwarto ng nasabing ospital kung saan nagkaroon ng closed door mass sa chapel ng nasabing pagamutan at makaraan niyon at nag-checkout na ito sa nasabing pagamutan at may ulat na dumiretso na ito sa White House sa Camp Crame, Quezon City.

Nakita rin sa video na pinagbigyan ni Gamboa ang ilang tao na makipag-selfie sa kaniya habang may benda ang kanang kamay at kaunting gasgas ang mukha bunsod ng kinasangkutang trahedya.

Maging ang nagsilbing officer-in-charge/caretaker pansamantala ng PNP na si Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, Deputy Chief for Administration, ay una nang nagpahayag na ngayong araw ay back to work na si Gamboa.

Si Gamboa ay bahagyang nasugatan nang bumagsak ang P435 million chopper sa San Pedro, Laguna makaraang bumisita sa impounding compound ng PNP-Highway Patrol Group sa nasabing lalawigan.

Bukod kay Gamboa, sugatan din at nakalabas na rin ng ospital sina PNP Public Information Office Chief, BGen. Bernard Banac, PCapt. Kevent Gayrama, ang aide de camp ni Gamboa.

Kabilang din sa lulan ng bumagsak na chopper sina MGen. Maria Jose DF Ramos, Director for Comptrollership;  MGen. Mariel Magaway, Director for Intelligence; LCol. Ruel Zalatar, pilot; LCol, Rico Macawili, co-pilot at SMSgt. Louie Estona, miyembro ng flight crew.

Samantala, kabilang sana sa schedule ni Gamboa ngayong araw ay ang pagsusumite ng National Adjudication Board (NAB) sa Malacanang hinggil sa resulta ng imbestigasyon sa 356 na pulis na kasama sa drug watch list ni Pangulong Rodrigo Duterte subalit wala pang katiyakan kung magaganap ito ngayong araw. EUNICE C.

Comments are closed.