BAGUIO CITY- BILANG parangal dahil naging isa sa matagumpay na produkto ng Philippine Military Academy Sambisig Class of 1991, ginawaran ng Testimonial Parade and Review si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. kahapon.
Sa panayam kay Acorda ng mga miyembro ng PNP Press Corps, nagpasalamat ito sa PMA dahil sa kaalaman at disiplina na itinuro at ito ang naghanda sa kanya para maabot ang pinakamataas na posisyon sa PNP.
“I never imagined that I will become the Chief PNP but having passed through the rigors of academics, militaristic and leadership training somehow it prepared me, malaking bagay ‘yung tinuro ng academy sa akin,” ayon kay Acorda.
Makaraan ang 37 taong pagseserbisyo, si Acorda ay nakatakdang magretiro sa Disyembre 3 sa pagsapit ng edad 56 na mandatory age of retirement.
Aniya, ayaw niyang ikumpara ang sarili sa ibang naging lider ng PNP sa halip, nang iluklok siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ginawa nito ang pinakamabuti at sinunod ang natutunan sa PMA para magsilbi sa bayan.
At isa sa kanyang inaasahang pamana sa organisasyon ay ma-absorb at ipagpatuloy ang 5-Focus Agenda kabilang ang Personnel Morale and Welfare, Community Engagement, Integrity Enhancement, Information Community and Technology Development at Honesty Law Enforcement Operations na naglalayung maitaas ang imahe ng PNP, magserbisyo at makuha ang tiwala ng publiko.
“If kung meron man legacy na maiwan ko sa PNP na sana naabsorb if we will see the 5-focus agenda, three on the list is how to gain the trust and confidence of the community and how to engage the community na talagang magsasalita and if andiyan yung tiwala at magsasalita yung taumbayan, “ anang PNP Chief.
Bilin naman ni Acorda sa kadete ng PMA na sundin ang motto ng institusyon na courage, loyalty at integrity na magiging gabay para sa mahusay na pagganap sa tungkulin sa hinaharap. EUNICE CELARIO