PNP CHIEF, GEN. ELEAZAR GINAWARAN NG TESTIMONIAL PARADE SA PMA

GINAWARAN ng testimonial parade si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Guillermo Eleazar sa Philippine Military Academy sa Fort del Pilar, Baguio City, kahapon.

Ang nasabing akademya ay nagbukas para sa nasabing okasyon makaraan ang mahigit isang taong restrictions dahil sa COVID-19.

Ang paggawad ay ibinibigay sa mga mag-aaral na nagkaroon ng mataas ng posisyon sa pamahalaan na nangangahulugang “accomplished” sila sa naging aral na nakuha sa akademya.

Sa kanyang speech, sinabi ni Eleazar na makaraan ang 34 taong panunungkulan ay bababa na siya at ang kanyang natutunan sa akademya ang naging susi para makamit niya ang pinakamataas na posisyon sa PNP.

“Isang karangalan ang iginawad sa atin na Testimonial Parade and Review ng Philippine Military Academy (PMA) na kung saan nag-umpisa ang lahat ng ating mga pangarap na maging isang ganap na pulis. Ang ating pagsasanay dito ang siyang humubog sa atin para maging isang epektibong opisyal sa organisasyon. Sana ay makapag-ambag tayo ng inspirasyon sa ating mga kadete na pagbutihin lalu ang kanilang mga ginagawa at maging magaling at kapakipakinabang na lingkod-bayan sa mga darating na panahon,” bahagi ng talumpati ni Eleazar.

Kasama ni Eleazar ang kanyang maybahay na si Lalie at mga anak nang sa huling pagkakataon bilang aktibong pulis ay nag-inspect sa mga kadete ng PMA.

Si Eleazar ay miyembro ng PMA Hinirang Class of 1987. EUNICE CELARIO