CAMP CRAME – NAG-IIKOT na si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Oscar Albayalde para tiyaking magiging maayos at mapayapa ang halalan sa Lunes.
Kahapon ay nagtungo ito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Region 12, partikular sa South Cotabato.
Una nang sinabi ni Albayalde na hanggang bukas siya mag-iinspeksiyon sa Mindanao kung saan may pinakamaraming bilang ng election hotspots.
Ginawa ng heneral ang pagtungo sa lugar kasama sa mga tinaguriang areas of concern upang personal na i-assess ang sitwasyon at tingnan ang latag ng seguridad sa Mindanao.
Magugunitang una nang inikot ni Albayalde ang mga lugar sa Luzon at Visayas kung saan kontento siya sa ginawang paghahanda ng mga regional police commanders.
Aniya, may mga dagdag na tropa na rin mula sa PNP Special Action Force (SAF) ang nasa Mindanao.
Iniulat ni Albayalde na sa ngayon ay tumaas ang bilang ng hotspots sa 946 mula sa 943.
Naidagdag na rin ang Moises Padilla sa Negros Occidental sa mga lugar na under control ng Commission on Elections (COMELEC) kasama ng Daraga, Albay at Cotabato, at ikinukonsidera na rin aniya na maisailalim sa COMELEC control ang Abra.
Kompiyansa si Albayalde na handa na ang PNP, subalit hindi pa masasabi na “fool-proof” ang kanilang preparasyon hanggang sa makaraos ng mapayapa at maayos ang eleksiyon. EUNICE C.
Comments are closed.