(PNP chief nag-ikot sa quarantine control points) MORALE NG FRONTLINER COPS ITINAAS NI GAMBOA

Archie Gamboa

CAMP CRAME-ITINAAS ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa ang morale ng mga pulis na naka-deploy sa mga check-point.

Kahapon ay binisita ni Gamboa, kasama si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Maj. Gen. Debold Sinas,  ang mga checkpoint sa Metro Manila at kaniyang kinausap ang mga pulis na nagmamando roon na konting tiis na lang at mag-hold on pa sa kanilang mga field assignment.

Isa sa nakausap ni Gamba ang nakasuot ng PPE (personal protective equipment) at tinanong kung sanay na ito sa suot lalo na’t mainit ang panahon.

Ipinaliwanag naman ni Sinas na bago isalang ang mga pulis na naka-PPE ay sinanay ang mga ito para matagalan ang init.

Kabilang sa mga quarantine control points (QCP) na  pinuntahan nina Gamboa at Sinas ang Camachile NLEX QCP, Malanday QCP, Valenzuela QCP at Sampaloc QCP.

Sinabi ni Gamboa na nag-ikot siya para personal niyang makumusta ang sitwasyon ng mga naka-deploy na pulis sa pagpapatupad ng istriktong ECQ.

Inamin ni Gamboa na sadyang napakahirap ng naka-assign sa checkpoint na bukod sa init ay nae-expose din sa posibleng pagkahawa sa sakit ang mga pulis.

Aniya, tao rin naman ang mga pulis na nakararanas ng gutom at pagod pero trabaho aniya nila na mandohan ang mga checkpoint ng buong magdamag at maghapon araw-araw kaya ang bilin niya ay just hold on.

Sinabi ni Gamboa na may naka-stand-by na 2,000 pulis sa reserve force na handing humalili sa mga nagmamando sa checkpoint para makapagpahinga din ng shifting ang mga nasa frontline.

Umapela naman si Gamboa sa mga mamamayan na sumunod sa awtoridad para iwasan ang sakit at asunto gayundin ang mapagaan ang trabaho ng mga police frontliners.

Samantala, kahapon din ay nakausap ni Gamboa ang tatlong babae na inaresto nang masabat ng pulis ang kanilang sinasakyang ambulansiya.

Nadiskubre na not-authorized person ang lulan ng ambulansiya habang ang driver ay expired ang lisensiya.

Bagaman nakiusap ang mga inaresto kay Gamboa ay hindi ito pinayagan dahil may nagawang paglabag ang mga ito. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.