BAGAMAN ilang tauhan ang nadawit sa alingasngas gaya ng apat na pulis sa Makati at Pasay na nasangkot sa kidnap for ransom, kumpiyansa si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na magagaling pa rin ang mga pulis.
Aniya, ang mga nadadawit sa irregular at kontrobersiya ay hindi repustasyon ng PNP sa kabuuan.
Ginawa ni Marbil ang pahayag makaraang ang paggawad ng Medalya ng Katangi tanging Gawa at Medalya ng Kadakilaan sa 16 na opisyal at tauhan ng NCRPO.
Ilan sa mga pinarangalan ay ang mga pulis na nanguna sa pagkakadakip ng mga suspek na sangkot sa malalaking kasong tinutukan ng PNP sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kabilang dito ay ang mga nanguna sa pagkakadakip ng Canadian na sangkot sa P9.6 bilyong drug haul sa Alitagtag, Batangas; pagkakadakip sa suspek na sangkot sa road rage sa EDSA-Ayala, at iba pang malalaking kaso.
Ayon pa sa PNP Chief, pananagutin niya ang sinumang pulis na masasangkot sa kaso at pagtalikod sa kaniyang tungkulin.
At mas paiigtingin ang Zero-Tolerance policy sa mga ito at walang sinuman ang kikilingan sa mga dapat na managot.
EUNICE CELARIO