INALMAHAN ni Philippine National Police Chief Gen. Dionardo Carlos ang ginagawang pag-uugnay sa nangyaring pagbagsak ng isang helicopter ng PNP na ikinamatay ng isang pulis at malubhang pagkasugat ng dalawang senior police officers sa kaso ni Julian Ongpin,anak ng bilyonaryong may ari ng Balesin Island resort.
Ito ay bunsod ng umano’y akusasyon ng ina ni Bree Jonson na si Sally na inareglo umano si Carlos ng pamilya Ongpin na siyang may-ari ng mamahaling resort sa Balesin Island kung saan ito namalagi ng nakaraang Linggo.
Itinanggi ni Carlos ang alegasyong nakipag-areglo umano siya sa pamilya ni Julian Ongpin na suspek sa pagpatay sa visual artist na si Bree Jonson na nakitang wala ng buhay sa loob ng kuwartong ino-kupahan nila sa La Union.
Gayunpaman,inamin ng PNP chief na nagtungo siya sa Balesin kasama ang kanyang mga anak para magpalipas ng weekend kung saan naaksidente ang chopper na susundo sana sa kanila pabalik ng Maynila.
Ani Carlos, walang katotohanan na nakipagpulong siya sa pamilya Ongpin para talakayin ang kaso ng pagkamatay ni Jonson at makipag-areglo. VERLIN RUIZ