CAMP CRAME – IPINAGBAWAL muna ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, The PNP Deputy Chief for Administration, ang paggamit sa lahat ng mga chopper ng pulisya.
Ito ay kasunod ng pagbagsak ng 8-seater Bell 429 kahapon kung saan nadisgrasya si PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa kasama ang pitong police generals kabilang si PNP Public Information Office Chief, BGen. Bernard Banac.
Ayon kay Cascolan sa isang pahayag na makabubuting imbestigahan muna ang mga chopper ng PNP.
Sa isang panayam naman kay dating PNP Chief at ngayon ay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, dalawang taon pa lang naa-acquire ang Bell 429 na kaniya ring nagamit at mismong si Gamboa rin ang nag-aprub na bilihin ito nang siya pa ang hepe ng Comptrollership.
Sinabi naman ni Director for Police Community Relations (DPCR) PMGen. Benigno Durana Jr. na acting PNP spokesperson kapalit, na ang kautusan para i-freeze ang lahat ng choppers ng PNP ay ginawa ng PNP Command Group at Quad Staff matapos na magpulong kahapon ng umaga kasunod ng insidente.
Giit nito na bago ang lahat ng choppers ng PNP na kinabibilangan ng mga Airbus H-125 gaya nang iprinisinta lang noong nakaraang linggo, at mga Bell-429, at Robinson R-44 multi-role police helicopters na nabili sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon Kay Durana, ang bumagsak na helicopter ay isang Bell 429 helicopter na may registry number RP-3086, na ang piloto ay si PLTC Zalatar at PLTC Macawili. EUNICE C.