‘PNP CLEANSING’, SINUPORTAHAN

REP-ACE-BARBERS-3

NAGPAHAYAG ng buong pagsuporta ang dalawang ranking officials ng Kamara sa hakbang ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na linisin ang hanay ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa pagkakasangkot diumano ng ilang matataas na opisyal nito sa pagbebenta ng ilegal na droga sa bansa.

Ayon kay Surigao del Norte 2nd Dist. Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, sinasang-ayunan niya ang hamon ng DILG chief na magsumite ng kanilang ‘courtesy resignation’ ang PNP officers na mayroong ranggo na colonel (senior police officer) hanggang general at sumailalim sa ‘evaluation’ ng 5-member committee upang mabatid kung malinis ang kanilang record at karapat-dapat sa kanilang kasalukuyang posisyon.

“Although there are still no concrete evidence that directly links senior police officers to the drug trade, it is widely rumored or said to be an “open secret” about the involvement in drugs of certain law enforcement officers in the active service,” ang sabi pa ng House panel head.

“Hindi natin nilalahat at alam natin na kaunti lang na police officers ang maaring pasok sa illegal drug trade. At sa tingin ko, tama lang ang hakbang na tinatahak ni DILG Secretary Abalos upang linisin ang hanay ng ating kapulisan laban sa illegal na droga.” Dagdag ni Barbers.

Sa panig ni House Committee on Public Order and Safety Chairman at Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, sinabi nitong suportado rin niya ang ‘PNP cleansing’ campaign ni Abalos at iginiit ang pangangailangan na palakasin pa ang mga kasalukuyang batas partikular ang pagpapataw ng kaparusahan sa mga ‘men in uniform’ na mapatutunayang sangkot o kasabwat sa criminal activities.

“Nowadays, some PNP officials who are in cahoots with the criminals have no regard to laws and penalties, as they can easily get away with it. As chairman of the House Committee on Public Order and Safety, I’m fully supporting the actions taken by Secretary Benhur Abalos. The more that we need to intensify our efforts to cleanse the ranks of PNP with his actions,” pahayag pa ng Laguna lawmaker.

Sa press conference ni Abalos sa Camp Crame kamakalawa, tahasang sinabi nito na malala na ang impeksyon sa PNP partikular ang patuloy na pamamayagpag ng tinaguriang ‘ninja cops’ o mga police officer na sila pa mismong nasa likod ng drug trafficking.

Inihalimbawa niya ang pagkakasakote kay MSgt. Rodolfo Mayo, na miyembro PNP Drug Enforcement Group at idinawit sa pagtatago sa isang bodega sa Maynila ng halos isang tonelada ng shabu na aabot sa halagang P6.7 billion; na ani Abalos, ay hindi naman kikilos kung walang mataas na opisyal na nagpoprotekta.

Gayundin ang pagkakaaresto ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director, Brig. Gen. Kirby John Kraft kina PDEA Southern District Office chief Enrique Lucero, agents Anthony Vic Alabastro at Jaireh Llaguno, gayundin sa driver na si Mark Warren Mallo bunsod ng isinagawang buy-bust operation kung saan aabot sa halagang P9.18 million na shabu ang nakumpiska sa mga suspek noong nakaraang Disyembre 6, 2022. ROMER R. BUTUYAN