PNP COMPTROLLER GEN. MARBIL BAGONG PNP CHIEF

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Major Gen. Rommel Francisco Marbil bilang ika-30 hepe ng Philippine National Police (PNP).

Pinalitan ni Marbil si General Benjamin Acorda Jr. na bumaba nitong Marso 31 matapos ang tatlong buwang pinalawig na termino dahil noong Disyembre 3, 2023 ay naabot na nito ang mandatory retirement age na 56.

Bago maging PNP Chief, nagsilbi si Marbil bilang officer-in-charge sa Directorate for Comptrollership.

Naging area commander din si Marbil sa Eastern Visayas.

Sa kanyang assumption speech ay ipinangako ni Marbil kay Pangulong Marcos, na siyang nanguna sa Change of Command sa Camp Crame kahapon na katuwang siya ng Punong Ehekutibo sa pangarap na mapatatag ang ekonomiya, maayos na lipunan sa pamamagitan na matiyak ang katahimikan at mapigilan ang kriminalidad.

“Ang pangarap ko ay pangarap niyo rin. matatag na ekonomiya, maayos na lipunan at maayos na kapulisan. yan po ang unang kataga na sinabi ng ating Presidente during the inauguration. ang masasabi ko po sa inyong excellency, sir matutupad po,” bahagi ng speech ni Marbil.

Binanggit din ni Marbil ang kanyang tatlong priority agenda, ang pagpapataas sa kalidad ng pamumuno at propesyunalismo sa hanay ng kanilang mga opisyal;

Pangalawa,ang pagpapaigting nya rin ang paglaban sa kriminalidad mapa lokal man, transnational crime at maging ang cybercrimes; Pangatlo, ang patuloy na pagpapataas ng tiwala ng sambayanan sa hanay ng PNP.

Samantala, madamdamin naman ang pormal na pagbaba ni Acorda kahapon kung saan ang kanyang anak na babae na si Nicole Acorda ang nag-alis ng kanyang badge na simbolo ng awtoridad.

Kasabay ng pagtatalaga kay Marbil, binigyan din ng pagpupugay ng PNP sa pangunguna ni PBBM ang pagreretiro ni Acorda.

Nitong Linggo, kung kailan bumaba si Acorda ay itinalaga ni Pangulong Marcos si Lieutenant General Emmanuel Baloloy Peralta bilang PNP officer-in-charge upang maging pormal ang pagbaba sa puwesto ni Acorda.

“Now after 37 years, one month and 14 days of faithful police service and upon your retirement day , it is now time to retire your badge …you may now detach your badge, welcome home papa,” ayon kay Nicole.
EUNICE CELARIO