MAHIGPIT ang ginagawang pagbabantay ng Philippine National Police- Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) laban sa modus ng mga kawatan na tinatawag na tour scam.
Ayon sa ACG, dahil sa inaasahang kaliwa’t kanan ang booking sa social media ng mga Airbnb, Hotel, Resort at staycation houses para doon salubungin ang Bagong Taon.
Nabatid na kapansin-pansin sa mga social media platform ang ginagawang legit checking ng ilan kababayan sa mga indibidwal na kanilang nakakausap hinggil sa mga lugar kung saan nila nais manatili ngayong holiday season.
Gayundin sa mga nagpapakilalang ahente ng mga travel agency na bagsak presyo kung mag-alok ng mga tour package gayundin ng airline bookings gamit ang sarili nilang social media account.
Ayon kay PNP-ACG Cyber Response Unit Chief Colonel Jay Guillermo, dapat maging mapanuri ang publiko sa mga katransaksyon online lalo’t hindi sila nakasisiguro sa tunay na pagkakakilanlan nito.
Magugunitang naglabas na rin ng paalala ang Antipolo City Police sa tinawag nilang Staycation Modus kung saan, ninanakawan naman ng mga nagpapanggap na kliyente ang mga staycation house na kanilang tinutuluyan. EVELYN GARCIA