PNP DUMISTANSYA SA “DEPORTATION ISSUE” NG DATING PNP CHIEF

HINDI sakop o “labas” na sa mandato ng Philippine National Police (PNP) sa isyu ng pag-kuwestiyon ng Canadian Immigration kay dating PNP Chief Retired Police General Rodolfo Azurin Jr.

Ito ang sinabi ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa isang ambush interview kahapon matapos dumalo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Peace Forum.

Ayon sa PNP Chief walang opisyal na dokumentong pinanghahawakan ang PNP tungkol sa naturang insidente at mas mabuting ang Department of Foreign Affairs o Bureau of Immigration ang mag-komento tungkol sa isyu.

Una nang itinanggi ni Gen. Azurin ang ulat na dineport siya ng Canadian Immigration at sinabing kusang loob siyang bumalik sa Pilipinas matapos kwestyunin ng Canadian Immigration nang bumalik siya sa naturang bansa mula sa Pilipinas nitong Setyembre 17.

Kasunod nito, inakusahan ni Azurin si PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. Gen. Rodel Sermonia na nagkakalat ng ulat tungkol sa kanyang pagkaka-deport at nanawagan kay Acorda na imbestigahan ito.

Itinanggi naman Sermonia ang alegasyon at sinabing wala siyang panahon sa ganoong gawain dahil abala siya sa kanyang tungkulin.

Dagdag pa ni Sermonia, ang kasiraan ni Azurin ay kasiraan ng kanilang pamilya dahil mag-bilas sila.
EUNICE CELARIO