PNP HANDA SA KALAMIDAD AT LA NIÑA

KASUNOD ng simultaneous showdown inspection ng Philippine National Police (PNP) sa mga kagamitan nito para sa Disaster response effort sa mga lugar na bantad sa kalamidad, tiniyak ng organisasyon ang kanilang kahanaan sa mga susunod na hamon na posibleng kaharapin dahil sa bagyong paparating at maging sa La Nina.

Una nang tinaya ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administarion (PAGASA) na hanggang dalawang bagyo ang inaasahang papasok sa bansa ngayong buwan ng Hunyo.

Kabilang sa naturang mga kagamitan na iinspeksyon ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ay ang 40,000 Search, Rescue, and Retrieval Equipment; 5,000 sasakyan at mahigit 43,000 supplies na ipinamahagi naman sa 17 Police Regional Office, at National Support Units sa buong bansa na tinatayang may katumbas na halaga na aabot sa mahigit P7,000,000.

Sa pamamagitan ng mga makabagong kagamitan at kakayahan na ito ng mga pulis ay nagpahayag ng kumpiyansa si Marbil na magagampanan ng pulisya ang mandato at tungkulin nito na tiyaking ligtas ang bawat mamamayang Pilipino.

Samantala, kasunod nito ay nagpasalamat naman ang pinuno ng PNP sa pakikibahagi ng mga pulis sa pagresponde sa mga biktima ng pananalasa ng Bagyong Aghon sa bansa. EUNICE CELARIO