PNP HANDS OFF NA SA DRUG SHOOTOUT

IISANTABI na ng Philippine National Police (PNP) ang itinatag na Board of Inquiry na mag-iimbestiga sa nangyaring barilan sa pagitan ng mga kagawad ng Quezon City Police at ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Pebrero 24 sa Brgy. Commonwealth sa nasabing lungsod.

Ayon kay PNP Spokesman Brigadier General Ildebrandi Usana, nagsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte at nagbigay na ito ng direktiba na huwag nang mag-imbestiga at sa halip ang National Bureau of Investigation (NBI) na lamang ang kikilos.

“The PNP readily submits to the instructions of the President,” ayon sa viber message ni Usana sa miyembro ng PNP Press Corps.

Magugunitang sa ipinatawag na Joint Press Conference ng PNP-PDEA, kapwa tiniyak nina PNP Chief, Gen. Debold Sinas at PDEA Director General Wilkins Villanueva na hahanapin nila ang katotohanan sa tinatawag na ‘unfortunate incident’ at iaalay nila sa apat na namatay ang totoong resulta.

“Mananagot ang may sala!” ayon pa sa dalawang pinuno.

Gayundin, nakiusap sina Sinas at Villanueva na maghinay-hinay sa ispekulasyon dahil tiniyak na mabibigyan nag hustisya ang apat na namatay at lalabas ang katotohanan kung totoo ang hinala nilang napaglaruan sila ng drug syndicate. EUNICE CELARIO

Comments are closed.