PNP HINDI LALABAG SA KARAPATANG PANTAO

Spokesperson-Durana

CAMP CRAME – ALINSUNOD sa batas at daraan sa tamang proseso ang planong pagdakip ng Philippine National Police (PNP) sa apat na dating mambabatas at opisyal ng gobyerno.

Ito ang pagtiyak ni PNP Spokesman, Sr. Supt. Benigno Durana Jr. at sinabing walang lalabaging human rights  sa pag-aresto kina dating Agrarian Reform Rafael Mariano, Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Teddy Casino, dating Gabriela Partylist Rep. at National Anti-Poverty Commission Secretary Liza Maza.

Ang pagpapa-aresto sa apat ay kasunod ng utos ni Palayan Regional Trial Court Judge Evelyn Atienza-Turla sa apat na personalidad dahil sa kasong double murder.

Paglilinaw ni Durana, ang hakbang ng pulisya na dakpin ang apat ay pagtalima lamang sa kanilang mandato at lalo na’t may utos ang korte hinggil sa nasabing aksyon.

Dagdag pa ng police official, ang pamamaraan nila ay may res­peto at walang magaganap na pagyurak sa dignidad ng mga akusado subalit tiniyak din na wala ring VIP treatment.

Sa record, sina Ocampo, Casino, Maza at Mariano ay inakusahan ng mga opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ng double murder noong 2003 at 2004. EUNICE C.

Comments are closed.