PNP HINDI SASABIT SA “OPLAN BAKLAS”

TINIYAK ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na walang pulis ang masasabit sa mga iligal na pagbabaklas ng campaign material lalo na yung mga sinasabing may pinipili o may kinikilingan.

Katunayan nito, pinasisiyasat ng PNP kung may mga pulis din na nakikibaklas ng campaign posters ng mga kandidato kahit nasa loob ng private properties.

Ito’y matapos na batikusin ng ibat ibang sector,political parties, iba’t ibang legal luminaries ang inilunsad na ‘Oplan Baklas’ ng Comelec na anila’y paglabag sa constitutional rights, pagsupil sa karapatan ng mga botante at tahasang paglabag sa batas.

Ayon kay PNP Spokesman Col. Jean Fajardo, hindi kukunsintihin ang sinumang pulis na nagbabaklas ng campaign materials sa private properties lalo na kung mayroong pahintulot ng may-ari ang paglalagay doon.

Mahigpit ang paalala ng liderato ng PNP sa mga tauhan nito na maging non-partisan o walang kinikilingan sa panahon ng halalan.

Aniya, ang toka ng PNP ay ang pagbabantay sa seguridad ng mga botante at kandidato habang ang COMELEC, DENR at DPWH naman ang siyang bahalang magbaklas campaign posters sa hindi common poster areas.

Samantala , dinepensahan ni Interior Secretary Eduardo Año ang Comelec sa harap ng mga batikos na tinatanggap nito dahil sa pagbaklas ng campaign posters sa mga private properties.

Ayon kay Año, nagbibigay naman ng warning ang Comelec bago ang aktuwal na pagbaklas sa mga illegal campaign poster.

Kapag hindi pa rin binaklas ang mga illegal campaign poster sa mga private properties, saka pa lamang kikilos ang Comelec kasama ang iba pang law enforcement agencies.

Sa mga nakalipas na araw, inaakusahan ang poll body nang trespassing at lumabag sa freedom of expression dahil sa pagbabaklas ng mga tauhan nito sa campaign posters na nakakabit sa private areas. VERLIN RUIZ