PNP INALERTO SA PANAHON NG KAPISTAHAN

INATASAN ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar ang lahat ng kanilang police commanders na maging mapagmatyag at pigilan ang mass gatherings sa kanilang mga area of responsibility ngayon pa­nahon ng mga town fiesta .

“Alam naman natin na kapag piyesta, nariyan ang mga handaan, mga aktibidad sa simbahan at iba pang mass gatherings. Nakagawian na natin ito at bahagi ng tradisyon pero bawal pa rin po ito hangga’t narito ang banta ng COVID-19,” paalala ni Eleazar.

Nabatid na bilang da­ting pinuno ng PNP Task Force Covid Shield, alam na ni Eleazar ang mga maaring pagmulan ng mass infection ng CO­VID-19.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay inatasan ang local government units na magpatupad ng mahigpit na hakbang laban sa mass gatherings sa panahon ng mga fiesta.

“Madali po ang hawahan tuwing may mga kainan, prusisyon, o kahit anong selebrasyon. Ito ang mga tinatawag nating mga ‘super spreader events.’ Huwag naman po nating isugal ang ating kaligtasan at kalusugan sa mga ito,” giit ng PNP chief.

Aniya, hindi na magbibigay pa ng paalala o babala ang mga pulis sa lalabag sa minimum public safety health protocols kabilang na ang prohibition sa mass gatherings dahil ipinatupad na ito nuong nakalipas na taon.

Gayunpaman, bilin nito sa mga pulis na huwag sasaktan, paparusahan o hihiyain ang sinumang lalabag sa protocols. Bigyan din sila ng face masks kung kinakailangan. VERLIN RUIZ

6 thoughts on “PNP INALERTO SA PANAHON NG KAPISTAHAN”

Comments are closed.