CAMP CRAME – UPANG matiyak na matutulungan lahat ang mga apektado sa pag-alburuto ng Taal Volcano na nasa Lawa ng Batangas, pinatulong na rin ng Philippine National Police (PNP) ang mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa rescue operations.
Kaya naman, inaasahang sapat ang puwersa ng pulisya para matulungan ang mga lumikas sa mga apektadong lugar makaraan ang pagbulwak ng lava at pagbuga ng bato at abo.
Siniguro naman ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, Deputy Chief for Operations, na sakaling apektado ang PNPA na nasa Camp Castaneda sa Silang, Cavite ay ililikas ang mga kadete na naroon habang maaari rin silang makatulong para sa search and rescue operations at evacuation ng apektadong residente.
“’Yung mga PNPA cadets ililipat din and they will be of help, also in search and rescue operation,” ayon kay Cascolan.
Una nang sinabi ni PNP Officer-In-Charge, Lt. Gen. Archie Gamboa na nasa 18,000 pulis mula sa Region 4A (Calabarzon) ang umaayuda sa mga residente sa Talisay, Cuenca, Taal, Mataas na Kahoy at Agoncillo sa Batangas at Tagaytay City sa Cavite.
Pahayag pa ni Cascolan na upang makarating sa mga evacuee ang relief goods ay patatatagin ang checkpoints para sa kaligtasan at mabilis na pamamahagi nito.
“There will be checkpoints so that relief goods will be coming in, will be able to go to areas that are not very affected…’yung mga area na hindi masyado apektado roon muna dederetso ang mga relief good,” dagdag pa ni Cascolan.
Samantala, inanunsiyo rin ni Cascolan na muli nilang inaktibo ang kanilang Incident Management Operational Center (IMOC) na magmo-monitor sa kalamidad at magiging daan para sa mabilis na komunikasyon mula sa region patungo sa national kaugnay sa search and recue operation.
Ang IMOC ay pangangasiwaan ni PNP-Calabarzon Regional Director, BGen. Vicente Danao.
“ ‘Yung regional director (Danao) will have a hand because he will be the ground commander and he will be going around together with me sa national, sa kanya sa regional naman,” ayon pa kay Cascolan. EUNICE C.
Comments are closed.