PNP, INDONESIAN NATIONAL POLICE NAGKASUNDO SA PAGSUGPO NG KRIMINALIDAD, TERORISMO

NAGKASUNDO ang Philippine National Police (PNP) at Indonesian National Police (INP) na palawakin ang kanilang kooperasyon sa paglaban sa transnational crime at terorismo.

Ito ang tinalakay sa pakikipagpulong ni PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr. kay Indonesian Brigadier General Amur Chandra Juli Buana, Secretary ng NCB Interpol ng Indonesia, International Relations Division ng Indonesian National Police.

Ang pagpupulong ng dalawang opisyal ay isinagawa sa sidelines ng ika-24 na Asian Regional Conference ng INTERPOL General Secretariat sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Ayon sa PNP Chief, malawak ang border ng Pilipinas at Indonesia kaya mahalaga na paigtingin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa pagtugon sa mga Regional Security Issues.

Bilang pagsulong nito, bumuo na ng standard procedures ang PNP at INP sa joint police operations, joint training on cooperation, sistema sa pagsasagawa ng hot pursuit operations sa territorial waters, at alituntunin sa pag-handover ng mga kriminal na suspek.

Matatandaan na bumuo ng Memorandum of Understanding ang PNP at INP noong Disyembre 12, 2022 para sa pagpapatuloy ng maritime joint exercises (PHILINDO JCM at MARLEX), training courses, at tulong pangseguridad para mapalakas ang kampanya laban sa krimen ng dalawang bansa. EUNICE CELARIO