CAMP CRAME – MAHIGPIT ang bilin ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Oscar Albayalde sa kaniyang mga tauhan na tumulong sa mga lotto operator na buksan ang kanilang mga puwesto at maaari nang tanggalin ang mga ipinaskil nila na closure signages.
Ito’y kasunod ng panibagong direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na resumption ng lotto operations nationwide.
Ang kautusan ni Albayalde ay bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Rodrigo Dutete na maaari nang mag-operate ang lotto outlet sa buong bansa.
Una nang iniulat ng PNP na mahigit 30,000 lotto and gaming outlets na ino-operate ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang ipinasara ng pambansang pulisya.
Suspendido pa rin naman ang operasyon ng small town lottery, Keno at Peryahan ng Bayan.
Nangangahulugan na ang mga nabigyan ng franchise ng PCSO ukol dito ay hindi pa rin makapag-o-operate.
Sa kabilang dako, binalaan ng PNP chief ang lahat ng police commanders na umayos at tiyakin na hindi mamamayagpag ang mga illegal number games partikular ang jueteng sa kanilang mga lugar.
Giit ni Albayalde, umiiral pa rin ang one-strike policy kaya kapag namayagpag muli ang jueteng ay mananagot ang mga police commander.
Bumawi naman si Albayalde sa kaniyang unang pahayag na posibleng magkaroon ng resurgence o muling mabubuhay ang jueteng matapos ipasara ng Pangulo ang lahat ng lotto gaming operations ng PCSO.
Aniya, wala silang nakikita na mamamayagpag muli ang illegal number games. EUNICE C.