AMINADO ang mga opisyal ng gobyerno na kulang sa pangil ang kanilang mga ahensiya para supilin ang messaging app na “Momo Challenge” na sinasabing kumitil na ng isang musmos habang isa ang nagtangkang saktan ang kanyang sarili.
Dahil sa lumutang na mga balitang may ilang bata na ang nagpakamatay dahil sa “Momo,” “Blue Whale” at iba pang challenge ay inatasan ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde na siyasatin ito.
Ayon kay Albayalde, inatasan na niya ang PNP Anti-Cybercrime Group na tingnan ang bagay na ito at i-block ang mga apps kung maaari.
Subalit aminado ang Department of Information and Communications Technology na wala silang jurisdiction sa messaging app o mga app store na ginagamit sa pag-download ng deadly “Momo Challenge” app.
Hindi umano gaya sa China, ang Filipinas ay walang kapangyarihan sa ilalim ng batas para harangin o i-regulate ang apps gaya ng Facebook at WhatsApp, na ang mga operator ay nakabase sa ibayong dagat, ayon kay DICT Secretary Eliseo Rio.
Nabatid na maging ang mga mambabatas ay aminado na ang mga umiiral na batas hinggil sa social media o mga messaging apps ay ginawa ng hindi pa uso ang mga suicide games at bullying sa social media at hindi pa maituturing na banta.
Ang tangi lamang umanong magagawa sa kasalukuyan ay umapela sa Facebook, Google at iba pang apps provider na alisin ang offensive websites na lumalabag sa kanilang community standards lalo pa at nagbubunga ito gaya ng mga napaulat na pagpapakamatay o pananakit sa sarili.
Kaugnay nito, hi-nimok ni Rio ang mga magulang na agad isumbong sa kanila ang mga natutuklasang mapa-nganib na challenge sa internet.
Ayon kay Rio, may isinasagawa na silang imbestigasyon sa isyung ito, ngunit ang pinakamabisang paraan ng pag-iingat ngayon ay ang tulong ng mga magulang sa pag-monitor ng kanilang mga anak.
Itinuturong dahilan ng pagpapatiwakal ng 11-anyos na estudyanteng si alyas ‘CJ’ ang suicide games.
Lumaklak ang bata ng halos 20 tableta ng gout medicine.
Kuwento ng ina nito, nagsalita ang kanyang anak ng mga katagang ‘I will follow my master and I will kill them’ habang nasa intensive care unit (ICU) ito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.