CAMP CRAME – SINAKLOLOHAN ni Senador Panfilo Lacson ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa laban nito sa teleseryeng Ang Probinsyano kaugnay sa umano’y tila portrayal na masama ang pulisya.
Bilang dating PNP Chief, iginiit ni Lacson ang gumaganap na PNP Chief sa teleserye ay hindi makatotohanan dahil sa mahaba ang buhok at malaki ang tiyan ni PNP chief, Gen. Terrante na ginanapan ni Soliman Cruz.
Gayundin, aniya ang uniporme ng mga pulis na ginamit sa Probinsiyano na napuna rin ni Lacson ay wala man lang binago.
Aniya, tila may paglabag sa batas ang teleserye rito.
Kaya’t hinikayat ni Lacson ang PNP at ang producer ng programa na mag-usap at magkaroon ng konsultasyon dahil tila nasisira ang imahe ng buong PNP at pinalalabas na masama ang PNP Chief sa naturang teleserye.
Sa panig naman ni Senator Grace Poe, sa modernong paglalahad ng ‘Ang Probinsyano’ ng kanyang ama ay lubos na nagpapasalamat na hindi lamang nito nirerespeto ang legasiya ni FPJ, kundi ipinaalala rin ang kahalagahan ng pamilya, paggalang sa nakatatanda, kagitingan at pagmamahal sa bayan.
Binigyang-diin nito, ito ay malikhaing katha ng mga nasa likod ng produksyon kung saan ay may mga kontrabida sa kuwento na hindi lamang mga pulis kundi may iba pa.
Kaya, aniya, puwedeng sabihin na ‘bato-bato sa langit, tamaan ay ‘wag magalit.’
Iginiit ni Poe na tingnan muna ang kabuuan ng istorya kung saan sa gitna ng kasamaan ay may mga pulis na gaya ni Cardo Dalisay at kanyang kasamahan na ipaglalaban ang katuwiran at katotohanan na sa huli, magagapi ng mabuti ang masama. VICKY CERVALES/VERLIN RUIZ
Comments are closed.