PNP KINONDENA ANG FRIDAY THE 13th AMBUSCADE

Pnp

EASTERN SAMAR– KINONDENA ng local government at PNP-Police Regional Office-8 ang pananambang ng New People’s Army (NPA) na gumamit ng land mine o road side bomb na ikinasawi ng isang pulis at isang sibilyan habang 16 pa, kabilang ang ilang musmos sa pag-atake sa Brgy. Libuton, Borongan.

Ayon sa Police Regional Office 8 (PRO-8), ang mga pulis na miyembro ng 1st Eastern Samar Provincial Mobile Force Company (ESPMFC) ay patungo sanang Eastern Samar Police Provincial Office (ESPPO) Headquarters nang pasabugan ito ng improvised explosive device (IED) at paulanan ng bala ng mga terorista.

Nabatid na sakay ng PNP marked vehicle na isang pick-up na may plakang No. SJZ 958 nang pasabugan ito ng mga terorista at paulanan ng bala kung saan na­damay rin sa pag-atake ng NPA ang mga sibil­yan na sakay ng dalawang tricycle at isang van.

Nasawi ang pulis na kinilalang si Patrolman Mark Jerome Rama at sugatan ang apat niyang mga kasamahan na sina  Pat Ric Capoquian Jr., Pat Kevin Operario, Pat Angelito Luterte, at Pat Rey Sobrepeña,  habang nakaligtas naman sina Pat Christian Godino at Pat Michael Frank Pajanustan.

Patay rin ang isang sibilyan at sugatan ang 12 iba pa kabilang ang tatlong menor.

Mariing kinondena nina PRO-8 Director Brig. Gen. Ferdinand Divina at Eastern Samar Governor Ben Evardone ang insidente. VERLIN RUIZ