NASA 21 milyong deboto ng Poong Itim na Nazareno ang inaasahang sasama sa Traslacion 2019 bukas, Enero 9.
Kaya naman ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, handa na sila sa mga inilatag na seguridad at nag-sagawa na sila ng final coordination sa iba’t ibang government organization katulad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of Health, Department of Public Works and Highways at Metropolitan Manila Development Authority.
Pinapayuhan naman ni Albayalde ang publiko na walang importanteng lakad sa araw na iyon sa Luneta hanggang Quiapo area na ipagpaliban na muna ang kanilang lakad upang hindi maabala sa gagawing traslacion.
Tutulong naman ang AFP sa pagbibigay ng seguridad sa pamamagitan ng kanilang mga sundalo mula sa Joint Task Force NCR.
Target ng PNP ang zero casualty kaya panawagan nito sa mga sasama sa traslacion na sundin ang ipinatutupad na patakaran upang maging payapa ito.
Samantala, sinabi rin ni Albayalde na wala silang natatanggap na ulat hinggil sa umano’y planong pag-atake ng grupo mula Mindanao na unang inihayag ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Sa nasabing intelligence report na natanggap ng alkalde, nais umanong guluhin ng grupo ang paggunita sa Pista ng Itim na Nazareno.
MAHIGPIT NA CHECKPOINTS SA MAYNILA
Una nang nilinaw ng Manila Police District (MPD) nakalatag na rin ang kanilang seguridad para sa nasabing okasyon.
“All systems go na po tayo, this coming Trasclacion activities,” ayon kay MPD Director PSSupt. Vicente Danao.
Ayon kay Danao bilang bahagi ng inilatag na seguridad ang mga isasagawang checkpoints papunta at palabas ng Maynila. REA SARMIENTO/PAUL ROLDAN
Comments are closed.