PNP MARITIME CHIEF, ISA PA HULI SA EXTORTION

Extortion

MASBATE-INARESTO ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang isang hepe ng PNP-Ma­ritme sa Masbate at tauhan nito dahil sa reklamong pangingikil.

Kinilala ni Brig. Gen. Ronald Lee, PNP-IMEG chief ang mga inaresto na sina Maj. John Murray Cutaran, pinuno ng 502nd Maritime Police Station na naka base sa Masbate City, at SSgt. Rommel Naval.

Nagpasaklolo ang fishing boat operator sa PNP-IMEG at inireklamo ang pagkumpiska ng grupo ni Cutaran sa fishing boat nito at inaresto ang 28 empleyadong sakay ng bangka dahil umano sa kasong illegal fishing.

Pahayag pa ni Captain Mae Ann Cunanan ng PNP-IMEG, sa sumbong ng fishing boat operator  papalayain lang aniya ang mga empleyado babayaran ng biktima ang dalawang pulis ng P400,000.

Lumabas sa pagsisiyasat na sinabat ng mga tauhan ng PNP Maritime ang F/B RAV at hinuli ang kapitan nitong si  Juquin Nemeno at 28 crew members.

Dito naglatag ng entrapment operation ang awtoridad at isang undercover agent ang nakipagkita  sa istasyon ng suspek para bayaran ang downpayment na P200,000.

Nang tanggapin na ang pera ay saka inaresto sina Cutaran at Naval sa loob mismo ng kanilang tanggapan sa  Pier Site sa Barangay Bapor, Masbate City bandang alas-8:25 ng umaga araw ng Linggo. VERLIN RUIZ