BUTUAN CITY – POSIBLENG magkaroon na ng magandang development ang Philippine National Police (PNP) sa kaso ng pagpatay sa komentarista ng DXJM radio na si Francis Patindol.
Sa ulat na ipinarating ni Police Regional Office (PRO) 13 director P/Brigadier General Gilberto DC Cruz sa tanggapan ni PNP chief P/General Oscar Albayalde may mga pinakalat na silang larawan ng suspek na sumaksak kay Patindol.
Pinasimulan ng ipakalat ng Butuan City Police Office ang larawan ng suspek sa pananaksak at pagpatay na kinilalang si Ulating Macarampat Barapangcat alyas Ola Saransamen.
Hinikayat ng pulisya ang publiko na ireport sa kanila ang anumang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng suspek.
Si Barapangcat umano ang lasing na dispatcher na lumapit kina Patindol at mga kasamahan nito na nag-uusap sa labas ng isang copy center sa Butuan City Sabado ng umaga.
Hindi pa matiyak ang motibo ng pananaksak.
Ayon sa kasama ng biktima, nag-uusap lang sila habang hinihintay ang kanilang kasamahan na nasa loob ng copy center nang biglang lumapit ang suspek na si Ola Saransamen at sinaksak si Patindol. VERLIN RUIZ
Comments are closed.