INIHAYAG ngayon ng Philippine National Police na may tinututukan ng person of interest ang mga imbestigador na responsable sa pananaksak at pagpatay kay SEA Games gold medalist Mervin Guarte na kasapi rin ng Philippine Air Force.
Sa ipinarating na report ng Oriental Mindoro PNP sa punong himpilan ng Pambansang Pulisya sa Camp Crame, sinasabing tuloy tuloy ang ginagawa nilang pagbabantay sa mga aktibidad ng itinuturing nilang person of interest.
Magugunitang si Guarte ay pinaslang habang natutulog nitong Martes ng madaling araw sa bahay ng kaibigan nitong Barangay Kagawad sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Ayon kay Calapan City Police Chief Lt Col. Roden Fulache, may isang tao silang masusing binabantayan na hindi kasama ni Guarte sa kanilang drinking session na nagsimula ng Lunes ng hapon at natapos Martes ng madaling araw.
Si Guarte ay kasapi ng PAF na nakatalaga sa San Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas, at naninirahan sa Barangay Malinaosa Naujan, Oriental Mindoro.