PNP MAY SUSPEK NA SA NAGHAGIS NG MOLOTOV SA NAIA-3

MAYROON nang person of interes (POI) o suspek ang Philippine National Police (PNP) sa paghahagis ng molotov sa parking lot ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Terminal 3 noong Sabado, September 23.

Kabilang naman sa mga angulo na sinisilip ang posibilidad na isa itong diversionary tactics sa mga isyu na nangyayari sa paliparan.

Magugunitang alas-9 ng umaga noong Sabado ay sumabog ang isang molotov sa parking lot ng nasabing palipararan sa Pasay City.

Base sa imbestigasyon, galing sa labas ang naghagis ng molotov na puminsala sa ilang nakaparadang sasakyan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP Aviation Security Group sa insidente katuwang ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na sinusuyod ang mga closed circuit television sa lugar.

Sinabi naman ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo na posibleng hindi intensiyon na manakit ang naghagis ng molotove sahil mahinang klase ito gayunman, hindi nila ipagwawalang bahala ang insidente dahil ang paliparan ay isa sa vital installation.

“Tinitingnan nila na this is really not meant to harm people. talagang mahinang klase siya. In fact hindi nga ito sumabog, lumiyab ito kaya minimal ang damage but just the same hindi natin ito pinagwawalang bahala dahil considering ang airport ay vital installation,” ayon kay Fajardo.
EUNICE CELARIO