CAMP CRAME-GUMAMIT na ng high technology ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) na naglalayong pigilan ang paglawak ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Force COVID Shield Commander P/LtGen. Guillermo Eleazar, kanila nang inilarga ang Mobile Command Center (MCC) na siyang magbabantay sa lahat ng mga quarantine control points na nakalatag sa buong bansa.
Tampok sa kanilang MCC Bus ang ilang mga makabagong estratehiya tulad ng Collaboration & Operations Management System (COMS) na siyang gagamiting source ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagtitiyak ng seguridad at kaayusan ng publiko.
Bawat MCC Bus Unit ng Joint Task Force COVID Shield ay mayroong 500 smartphones na may applications tulad ng Android Tactical Awareness Kit (ATAK) na siyang ginagamit din ng awtoridad sa America partikular na ang US Armed Forces, US Homeland Security at ng Federal Emergency Management Agency.
Mayroon din itong body cam app technology na kakayaning makapag share ng mga video sa mabilis na panahon, plate recognition app, traffic violation reporting, composite sketch at iba pa.
Gagamit din ng drones ang bawat MCC upang makakuha ng real time updates na siya namang maipo-proseso agad sakaling may mahuli itong mga lumalabag sa mga checkpoint. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM