BINALAAN ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar ang publiko laban sa mga scammer na gumagamit ng mga pulitiko at iba pang sikat na personalidad para makapanlinlang at magkamal ng salapi.
“Nais kong paalalahanan ang publiko na maging mapanuri at huwag basta-basta magtiwala sa mga taong gumagamit ng pangalan ng mga personalidad, kabilang ang mga pulitiko, upang humingi ng anumang pabor o salapi,”pahayag PGen Eleazar kasunod ng nabulgar na modus habang papalapit ang campaign period para sa May 2022 national elections.
“I have tasked concerned police units to keep an eye out for this modus to prevent unscrupulous individuals from cheating our kababayan of their hard-earned money,” anang heneral.
Ang nasabing babala ay kasunod ng nangyaring pagkakaaresto ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa limang suspek sa Camarin, Caloocan City na nagbebenta ng daily time records sa halagang P30 bawat isa sa mga residente para mapabilang sa makakatangap ng pera mula kay Senador Manny Pacquiao dahil sa paglilinis nila ng komunidad.
Nagpakilala ang mga suspek na miyembro ng staff ni Senador Pacquiao na naatasang mangalap ng cleaners na bibigyan ng P7,500 subalit mariing ikinaila ni Pacquiao na sangkot siya sa nasabing eskima ng mga indibduwal o grupo na namamahagi ng cash o nangingilak ng pera gamit ang kanyang pangalan.
Nabulgar na bukod kay Pacquiao ay may iba pang political personalities ang nagamit sa modus operandi ng mga criminal elements para makapanloko ng tao.
“Maraming mga manloloko sa panahon ngayon na sasamantalahin ang pangangailangan at desperasyon ng ibang tao para pagkakitaan,” anang Chief PNP.
Dagdag pa ng heneral , “Kadalasan na modus ng mga scammer ay ang pagbanggit ng pangalan ng mga personalidad para makuha ang tiwala ng biktima, ang pangakong napakalaking balik sa kakaunting investment, o ang instant kita nang walang kahirap-hirap.”
“Hinihikayat ko ang publiko na huwag mag-atubiling dumulog sa pulisya at maghain ng reklamo kung nabiktima kayo ng ganitong scam. Sinisiguro ko sa inyo na papanagutin natin ang mga nasa likod nito,” paalala pa ni PGen Eleazar. VERLIN RUIZ