PNP NAGBABALA VS TEXT SCAMMERS

MULI nagbabala ang Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko kaugnay sa naglipanang text scam kung saan na blocked umano ang kanilang bank account.

Sa pinakahuling scam messages na natanggap ng PNP ACG ay mula umano sa BDO Unibank Inc. (BDO) na nagpapadala ng link sa kanilang mga customer para malaman ang kanilang account upang maiwasang ma-deactivate.

Ayon sa PNP, hindi magpapadala ng text messages ang mga bangko sa kanilang mga kliyente na humihingi ng personal details o kung ano pa mang beripikasyon bagkus tatawag ang bank representative kung may kailangan itong impormasyon.

Sa kasalukuyan, nagpadala na ng paalala o abiso ang BDO sa kanilang mga customers hinggil sa nasabing ilegal na aktibidad.

Una nang nagbabala ang PNP-ACG sa publiko hinggil sa mga txt scams na nag aalok ng trabaho na may kapalit na malaking suweldo o hindi naman kaya ay nanalo ng pa-premyo.

Samantala, inatasan na rin ng National Telecommunications Commission ang dalawang telecom na magpadala ng text blasts sa kanilang mga customer bilang babala sa naglipanang mga text scam.
REA SARMIENTO