CAMP CRAME – MAG-AAMBAG ng P10 ang bawat pulis para sa mga apektado ng pag-aalburuto ng Taal Volcano na nasa Lawa ng Batangas.
Ayon kay PNP OIC P/LtGen. Archie Gamboa, kokolektahin ng mga unit commander ang voluntary contribution mula sa kanilang mga tauhan.
Inaasahan naman ni Gamboa na mas malaki ang ibibigay ng mga matataas na opisyal ng pulisya partikular na ang mga heneral
Umaasa si Gamboa na makalilikom sila ng P30 milyon tulad ng kanilang naipon para sa mga pulis na naapektuhan ng nakalipas na kalamidad sa Mindanao.
Sa record, nasa 190,000 ang bilang ng miyembro ng PNP.
Samantala, bago i-deploy ang 2,000 PNP Reactionary Standby Support Force mula sa Camp Crame sa Batangas para tumulong sa relief at evacuation efforts sa mga apektado ng pag-alburuto ng Taal Volcano ay nagsagawa ng briefing si Gamboa kahapon.
Pahayag ni Gamboa na para matiyak ang kaligtasan ng RSSF members ay binigyan nila ang mga ito ng N95 face mask at iba pang safety kit.
Pinasisiguro rin ni Gamboa sa mga pulis na may sapat na silang pagkain at tubig habang tumutulong sa relief at evacuation operation.
Naka-ful alert na rin ang National Headquarters sa Camp Crame para i-monitor ang mga epekto ng pag-aalburuto ng bulkan.
Full alert status na rin ang PNP National Support Units, PNP Region 3, PNP region 4A at PNP NCR. REA SARMIENTO
Comments are closed.