CAMP CRAME – NAKA-FULL ALERT ang Philippine National Police (PNP) bilang pagbibigay ng seguridad sa pag-bisita sa bansa ni Chinese President Xi Jinping sa Nobyembre 20 hanggang 21.
Bunsod nito, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Guillermo Eleazar na mahigit 5,000 pulis ang ide-deploy para sa pagbibigay seguridad.
Karamihan aniya ay mula sa Southern Police District at Manila Police District gayundin sa Police Regional Office ng Calabarzon o Region 4A.
Nasa 60 tauhan ng PNP Highway patrol Group ang magsisilbing mga guide at escort ng mga kinatawan kasama ng pangulo ng China kung saan 33 motorsiklo at 12 patrol cars ang gagamitin.
Kinumpirma naman ni PNP Higway Patrol Group Director Roberto Fajardo, may 60 tauhan niya ang napili para italaga bilang police escorts sa pagbisita ng Chinese president.
Nilinaw naman ni Fajardo, na mangunguna pa rin ang Presidential Security Group (PSG) sa kabuuang seguridad na kanilang inilatag.
Kinuha nila ang mga HPG personnel mula sa iba’t ibang police districts.
Ito ang magiging unang pagtungo sa bansa ni Xi sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte habang noong 2005 ay dumalaw din sa bansa si dating Chinese President Hu Jintao, sa panahon ni dating Pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo. VERLIN RUIZ/ ROSE LARA
Comments are closed.