BUKAS ang pamunuan ng Philippine National Police sa gagawing imbestigasyon ng senado hinggil sa kontrobersyal na pagbili ng P1.89 billion Mahindra patrol vehicles noong 2015.
Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, nakahanda silang makipagtulungan sa Senado at ibigay ang mga kinakailangang dokumento na makatutulong sa isasagawang imbestigasyon.
Nabatid na target ni Senadora Grace Poe na pasimulan ang senate inquiry sa Martes, Hulyo 10, alinsunod sa inihain nitong Senate Resolution bilang 777.
Ayon kay Poe, dahil sa maanomalyang bilihan ng overpriced at depektibong mga sasakayan ay nakompromiso ng ‘lemon’ Mahindra patrol vehicles ang kapasidad at seguridad ng police operatives.
Una ng inihayag ng Pambansang pulisya na wala silang naging papel sa bilihan ng mga Mahidra vehicle na noon pang 2015 ay umaani na ng katakot-takot na puna at pagtuligsa dahil sa umano’y kuwestiyunableng kalidad nito bukod pa sa gawang India ito.
Ipinasa ng PNP ang sisi sa Department of Budget and Management (DBM) kaugnay sa pagbili ng Mahindra patrol vehicles sa halagang P1.89 billion.
Ayon kay PNP spokesperson Sr. Supt. Benigno Durana, hindi dapat na sisihin ang PNP sa bilihan.“In fact, the purchase by the Mahindra was made by the procurement service of the Department of Budgement and Management,” aniya.
“What we did is actually in partnership with the NAPOLCOM (National Police Commission). We submitted the specifications of the requirements that we need as far as transportation is concerned. They approved it. That was the basis of procurement of the vehicle,” giit pa ni Durana.
Lumalabas na hindi ang PNP ang nanguna sa bilihan at limitado lamang ang kanilang papel sa pagsusumite ng specification “We have to stress that it’s not the PNP. It was not the PNP who made the purchase from bidding to acceptance. It’s not the PNP,” dagdag pa nito.
Kamakailan, inihayag ng Commission on Audit (COA) na ang pagbili ng India-made Mahindra Enforcer at Mahindra Scorpio ay “disadvantageous” sa PNP dahil sa mga nakitang problema sa sasakyan. VERLIN RUIZ