PNP NAPASOK NA NG DELTA VARIANT

MAGING ang Philippine National Police (PNP) ay napasok na ng COVID-19 Delta variant.

Ito ang kinumpirma ng PNP Administrative Support For COVID-19 Task Force (ASCOTF).

Ayon kay PNP, The Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF Commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz , ang tatlong police personnel na kumpirmadong nahawahan ng COVID-19 Delta variant ay mula sa PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP).

Nagpositibo sa COVID-19 virus ang tatlong pulis noong buwan ng Hulyo at agad isinailalim sa 14-day quarantine ang mga ito.

Subalit, lumabas ang genome sequencing result ng tatlong pulis ngayong Agosto lamang na dahilan para sila ay inatasang sumailalim muli sa RT PCR test.

Sinabi ni Vera Cruz, batay sa resulta sa isinagawang swab test isa sa tatlong pulis ang nagpositibo muli sa COVID-19 virus at kasalukuyang admitted sa isang LGU facility.

Habang ang isa ay nagnegatibo sa swab test na kasakuluyang naka home quarantine ay sumailalim sa RT-PCR test nitong Huwebes.

Ang isa pang pulis ay naghihintay ng kanyang RT PCR test result at kasalukuyang naka-home quarantine.

Kinumpirma rin ng Heneral na patuloy ang pagtaas ng COVID-19 active cases sa kanilang hanay kung saan sumampa na ito sa 1,868 nitong Agosto 12 o halos 2,000 na.

Sa nasabing bilang,1,491 dito ay mula sa mga Police regional offices, 12.4% o 224 dito ay mula sa National Operational Support Units (NOSUs), 70 mula sa National Administrative Units (NASU) at 63 sa National Headquarters (NHQ).

“Actually ECQ man o hindi or regardless of the quarantine status, minomonitor natin mga new cases natin on a daily basis as reflected sa PNP CODA or Covid Data. Based on our data, madami talaga nai-infect sa mga units performing operational functions especially sa PROs & NOSUs,” ani Vera Cruz.

Noong Martes Agosto 10, ininspeksiyon nina PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar at Lt. Gen. Vera Cruz ang mga quarantine facilities ng PNP at swabbing facilities sa Camp Crame, PICC, MOA at ULTRA.
EUNICE CELARIO

67 thoughts on “PNP NAPASOK NA NG DELTA VARIANT”

Comments are closed.