PNP NUEVA VIZCAYA MAY BAGO NANG PINUNO

PULIS

MAY bago ng direktor ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office kasunod ng pagsibak ni PNP Chief, Director General Oscar Albayalde kay Sr. Supt. Jeremias Aglugob gayundin kay Chief Insp. Giovanie Cejes bilang chief of police ng Aritao Municipal Police makaraang mapaslang kay National Democratic Front of The Philippines (NDFP) Consultant Randy Felix Malayao noong Miyerkoles ng mada­ling araw.

Ang bagong talagang OIC Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ay si Supt. Peter Cambri, mula rin sa NVPPO bilang isang deputy for administration.

Inilabas na rin ng Nueva Vizcaya Police Office (NVPPO) ang composite facial illus­tration ng suspek na bumaril kay Malayao.

Ang suspek ay mayroong taas na 5’3” hanggang 5’6”, katamtaman ang pa­ngangatawan, may edad mula 20 hanggang 25, kayumanggi ang kulay, tumitimbang ng 55-60 kilograms at nakasuot ng dilaw na T -shirt at brown shortpants.

Sinabi ni Supt. Joseph Dela Cruz, Public Information Officer ng NVPPO, ang suspek ay kabilang umano sa pasahero ng bus mula sa kalakhang Maynila hanggang sa bus stop sa Aritao at bigla na lamang nawala matapos patayin si Malayao.

Nabuo ang computerized facial composite batay na rin sa pahayag ng mga testigo sa krimen, at pinaniniwalaan din ng pulisya na isang professional hired killer ang salarin.

Sa ngayon ay sinusuri na nila ang kuha ng mga CCTV camera upang mai-kumpara ang nabuong composite facial illustration ng suspek. IRENE GONZALES

Comments are closed.